Humihingi ng tulong sa Local Government ng Malay, Aklan at sa Provincial Government ng Romblon ang mga Romblomanon na naabutan ng lockdown sa Boracay Island kasunod ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sa ulat ng Rappler, may aabot sa halos 200 mga mangagawa mula sa mga probinsya ng Cebu, Iloilo, Samar, Negros Oriental, Romblon, Antique, Nueva Ecija, Zamboanga del Norte, at Pampanga ang stranded sa isla ng Boracay na ngayon ay sarado dahil sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Mahirap umano ang buhay sa isla dahil wala umano silang pambili ng pagkain, dahil wala silang mga trabaho.
“Naka-board kami kasama ng aking kapatid at pinsan ko. Kung may masasakyan, uuwi kami sa amin, sa Romblon. Mahirap dito wala kaming pambili ng pagkain dahil walang trabaho,” sinabi ni Lyn Suclan, isang Romblomanon na nasa Boracay.
Sa panayam ng Rappler sa isang Romblomanon waitress sa isla, nakikituloy nalang umano sila sa may-ari ng kanyang pinapasukan para may makain.
“Sa ngayon, nananatili ako sa may-ari ng restawran, pansamantala, hanggang sa makauwi kami. Tumutulong lang ako sa mga gawaing bahay,” ayon kay Judelyn Mojar, residente ng Santa Fe.
Batay sa guidelines ng enhanced community quarantine na ipinatutupad sa lalawigan ng Romblon, bawal pumasok sa lahat ng isla ng probinsya ang mga galing sa ibang probinsya kabilang na ang mga mula sa Boracay Island.
Wala pang inilalabas na pahayag ang provincial government ng Romblon kaugnay sa hinaing ng mga stranded na manggawa sa Boracay.