Inihayag ni Romblon mayor Gerard Montojo na nagkaroon ng pagtaas ng demand ng mga marble urns na gawa sa kanilang bayan kasunod ng pagdami ng nasasawi sa coronavirus disease 2019 sa bansa.
Sinabi ito ni Montojo sa ginanap na Defeat Covid-19 meeting nitong Lunes sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Aniya, binigyan niya ng permiso ang apat na marble urns supplier sa kanilang bayan na pansamantalang mag-operate muna para mapunan ang mga orders sa kanilang mga marble urns ng ilang distributor at funeral homes sa Metro Manila.
Sa panayam kay Montojo nitong Martes, sinabi nito na may nakarating sa kanilang impormasyon na nagkakaubusan na ng mga urns sa Metro Manila.
“Ang ginagawa daw ata nila ngayon ay parang binabalot nalang sa plastic after cremation, so parang kawawa naman ‘yung namatay. Mas lalong kawawa kung ganun.” ayon sa alkalde.
Sinabi nito na iba’t iba ang bilang mga inoorder sa kanila ng ilang distributor at funeral homes sa Metro Manila.
“With that, nag-issue tayo ng clearance kasi yang marble ay hindi considered na essential [goods] pero siguro ngayon sa may mga nasasawi nagiging essential na ‘yung urns kasi required na ‘yung pasyente na namatay sa Covid virus na ito ay i-cremate. Kahit nga hindi namatay sa Covid-19 ay nirerequire na rin nila sa Manila na i- cremate. Kaya tumaas talaga ‘yung demand ng marble urns,” paliwanag ni Montojo.
Aniya, kahit pinayagan niya na mag-operate ang mga nasabing negosyo, pinaalalahanan parin nito ang mga manggagawa na magkaroon ng striktong social distancing habang nagtatrabaho para makaiwas sa virus.