Sa pagputok ng pandemyang COVID19 sa Pilipinas nagdeklara ang pamahalaan ng state of public health emergency at luzon-wide enhanced community quarantine.
Bilang tugon, ipinadama ng Marinduque State College ang kanyang kalinga sa pagbuo ng Task Force COVID19 upang maghatid ng serbisyo publiko sa pamumuno ng pangulo nito na si Dr. Merian Catajay Mani.
Mula ng ipatupad ang Luzon-wide enhanced community quarantine ay nagpursige ang pamunuan ng Marinduque State College na makapagbigay ayuda sa mga mamamayan ng lalawigan ng Marinduque. Pinangungunahan ng MSC Task Force COVID19 ang pamamahagi ng mga food packs sa mga apektadong empleyado nito gayun din ang pagbibigay ng maagang buwanang sahod sa mga job order at college lecturer ng nasabing kolehiyo.
Namahagi din ng humigit kumulang 1,020 meal packs sa mga frontliners sa buong probinsya ang nasabing Task Force bilang bahagi ng “Kalinga on Wheels” na layon din na makapaghatid pa ng tulong sa mga bulnerableng sektor lalo na ang mga bata at kababaihan.
Sa kabilang dako, nakagawa naman ang Garments Section ng MSC sa pamamagitan ng mga materyales na ipinagkaloob nina G. Chita Leynes at Mayor Victoria Lao Lim ng bayan ng Gasan ng umaabot sa 4000 na washable face masks, at 3651 sa mga ito ay naipamahagi na sa mga medical health frontliners at barangay health emergency response team.
Samantala, nagkaloob naman ng mga materyales upang gawing personal protective equipments (PPE’s) ang Marinduque Chinese Association ay pingasumikapan naman itong tapusin ng MSC Garments Section at nakapaghatid nga ng halos 92 na disposable PPE’s sa Marinduque Provincial Health Office.
Gayundin naman, ang Research, Development, Extension and Training ng Marinduque State College ay nagsagawa naman ng destilerya ng ethanol mula sa tuba ng niyog upang masiguro ang suplay ng alcohol sa probinsya at gawin bilang hand sanitizers, mula rin dito ay nakagagawa naman liquid hand soaps.
Inatasan naman ang General Services Unit upang gumawa ng improvised sanitation tent sang-ayon sa itinakdang pamantayan ng Department of Health na ilalagay sa apat na kampus ng MSC at gayundin sa 3 ospital mg probinsya at mga rural health units sa bawat bayan.
Upang maibsan naman ang pangamba at pagkabalisa ng mga mamamayan ng Marinduque inililunsad naman ng Guidance and Counseling Office ang isang Telecounseling na maghahatid ng confidential psychological support at distanced professional help sa mga lubhang apektado ng pandemyang COVID19.
Pinagana rin ng MSC ang kanyang ugnayan sa mga pribadong organisasyon at indibidwal upang maging katuwang sa pagbibigay ayuda sa mga mamamayang marinduqueño.
Sa isang pakikipag kapanayam kay Dr. Mani nasabi niya na “ang mga ginagawang ito ay iniaalay ng MSC para pagsilbihan ang mga kababayang nagbubuwis ng buhay para mapangalagaan ang mamamayan” dagdag pa rito ay tinuran di niya na “sa pamamagitan ng pananampalataya, disiplina at debosyon sa pagiging lingkod bayan at bilang anak ng Diyos walang imposible na malagpasan ang pandemyang COVID19.”