Magbibigay rin ng tulong o ayuda ang lokal na pamahalaan ng Looc sa mga pamilyang apektado ng enhanced community quarantine na hindi maisasama sa mga makakatanggap ng P5,000 cash mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Para po sa mga hinde qualified sa ESP/SAP ay mayroon pong Looc Emergency Assistance Program (LEAP) ang LGU para sa inyo,” ayon sa facebook post ni Mayor Lisette Arboleda.
Dagdag ng alkalde, ang pamilyang ipapasok nila sa LEAP ay makakatanggap ng 9kgs na bigas, 1 kilo ng karne, itlog, isda at gulay, P1,000 wirth na groceries, at P1,000 na cash assistance.
Inaasahang isasabay ang pamimigay ng ayuda mula sa LEAP sa pamimigay rin ng P5,000 cash assistance ng SAP bukas, April 16.
Batay sa taya ng lokal na pamahalaan may aabot sa mahigit 6,800 na pamilya sa bayan ng Looc at 5502 rito ay pasok sa SAP at sa 4Ps kaya ang maiiwan na mahigit 1,300 na pamilya ay ipapasok sa LEAP.
Ang pondo na gagamitin dito ay mula sa Bayanihan Grant o katumbas ng isang buwan na Internal Revenue Allotment (IRA) ng bayan.