Kokolektahin ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) ang listahan ng mga karapat-dapat na benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) na hindi nabigyan ng ayuda ng ahensya para maging basehan sa paghahanap ng dagdag pondo para sa programa.
Ito ang pahayag ni DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista nang makapanayam sa #LagingHanda Network Briefing ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) nitong ika-23 ng Abril.
“Yung mga hindi nakasama dito sa indicative target beneficiaries ay kukunin talaga namin ang listahan niyan, magiging database namin yan. Meron na kaming numbers bawat probinsya kung ilan talaga ang hindi nabigyan ng ayuda although sila ay sinasabi nating eligible,” pahayag ni Sec. Bautista.
“Within this week, ipapadala namin ang datus na ito sa ating mga economic planners sa pamumuno ni [Finance] Sec. Carlos Dominguez at iyon ang magiging basehan nila para pag-aralan at mag-source out ng additional funds para sa ating mga kababayan nating eligible pero hindi napasama sa indicative target beneficiaries,” dagdag pa ni Sec. Bautista.
Ang pahayag ni Sec. Bautista ay sagot sa hinaing ng mga hindi naisama sa SAP, katulad nalang ng pamilya ni Mitch Corales ng bayan ng San Andres, Romblon na hindi umano nakatanggap ng ayuda mula sa DSWD kahit senior citizen ang kanyang magulang. Aniya, wala silang natanggap na ayuda dahil may natatanggap na umanong P500 na social pension kada-buwan ang kanyang ama mula sa ahensya ngunit ipinaglalaban niya na iba umano ito sa SAP.
Batay sa huling datus na inalabas ng DSWD sa kanilang tracker kahapon, may aabot na sa 1,844,463 na pamilya sa buong Pilipinas ang nabigyan ng P5,000 – P8,000 na ayuda mula sa SAP. Aabot naman sa 3,639,596 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ang nabigyan ng karagdagang ayuda.