Sinimulan ng ipamahagi ngayong Huwebes ng mga lokal na pamahalaan sa buong lalawigan ng Romblon ang mga social amelioration card (SAC) na ipinamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kabahayan para sa kanilang Social Amelioration Program (SAP).
Sa panayam ng PIA-Romblon kay Hazel Gaac, SWAD Team Leader ng DSWD Romblon, sinabi nito na may kabuoang aabot sa halos 89,000 na SAC ang kanilang ipinamahagi sa 17 na munisipyo sa buong Romblon simula kahapon.
“Itong SAC na ito ay ibinigay namin sa local government unit kahapon, Miyerkules, tapos sila ang magbibigay sa mga barangay officials na siya namang magbabahay-bahay para mabigyan ang mga target households ng card para masigurong nasusunod yung protocol na hindi lumabas ng bahay ang publiko,” ayon kay Gaac.
Paliwanag ni Gaac, ang nabanggit na SAC ay isang validation tool lamang na ibinibigay sa mga pamamahay para makita ng mga ahensya ng gobyerno kung sino ang dapat bigyan ng agarang mga ayuda ngayong may krises.
Dahil kulang rin umano ang oras na ibinigay sa mga barangay officials para ipakalat ang SAC, uunahin umano munang bigyan ang mga nasa master list na ng Barangay na mas higit talagang nangangailangan na ng tulong.
“Pwede na ‘yung SAC ay ibigay sa lahat, mayaman ka man o mahirap, pero hindi ibig sabihin na may SAC ka ay qualified kana sa ayuda ng isang national agency. Galing sa Barangay, ibabalik ang mga SAC na yan para i-verify ng Municipal Social Welfare and Development office at ng mga kasama nilang ahensya. May mga target kasi tayong benepisyaryo na karapat-dapat katulad sa mga informal sectors at ‘yung mga may arawang kita,” dagdag ni Gaac.
Ang mga benepisyaryo ng nasabing programa ay makakatanggap ng P3,000 hanggang P5,000 na ayuda mula sa gobyerno sa loob ng dalawang buwan, depende sa dami ng miyembro ng ‘vulnerable’ sektor na meron sa isang pamilya.
Paalala rin ni Gaac ang mga SAC ay libreng ipinamimigay ng kanilang ahensya at wala dapat sisingiling bayad para makakuha nito. Meron rin umano itong mga security features para masigurong validated ang mga SAC form na makakabalik sa kanila mula sa mga barangay.
Ang nasabing programa ay napapaloob sa ‘Bayanihan to Heal As One Act’ na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong ika-24 ng Marso.