Nakarating na ang sumbong ng mga nurse ng Calatrava Rural Health Unit (RHU) sa Provincial Director ng Romblon Police Provincial Office na si Col. Arvin Molina, laban sa isang pulis sa Calatrava na di umano ay nagbanta sa mga nurse ng RHU na papasabugin ang kanilang gusali.
Sa kwento ng mga nurse na naka-duty sa RHU, bandang 6:30 ng gabi ng dumating ang pulis kasama ang live-in partner nito na tila biktima ng vehicular accident. Dumating umanong sumisigaw ang pulis na tila umano amoy alak, dahil emergency ang dala nito.
“Sinigawan nya ang mga nurses, at pinipilosopo habang kinukuha ang detalye ng pangyayari pati na detalye ng pasyente ng isang nurse at habang nililinis ng isa pang nurse ang sugat ng pasyente,” ayon sa pahayag sa Romblon News Network (RNN) ni Dr. Renato Menrije Jr., Municipal Health Office ng Calatrava.
Dahil umano sa paninigaw ng pulis, natakot umano ang isang pasyente na nandoon rin sa RHU kaya inatake muli ito ng altapresyon kaya ito muna ang binigyang prayoridad ng mga dalawang nurse na naka-duty. Dito na di umano nagbanta ang pulis na papasabugin ang RHU Calatrava dahil hindi umano binibigyang tugon ng mga nurse ang dalan iyang pasyente.
Sa panayam ng RNN kay Police Lt. Col. Raquel Martinez, tagapagsalita ng Romblon PPO, sinabi nito na ipinagutos na ni Col. Arvin Molina na imbestigahan ang pulis kaugnay sa pangyayari at kung bakit ito nakainum, at pinagpapaliwanag na rin kung bakit niya nagawa ito.
Kwento umano sa Romblon PPO ng inirereklamong pulis, naghahanap umano sila ng Doctor ngunit nang malaman na wala umano ang doctor sa RHU nang oras na iyon ay nakapagbitaw ito ng hindi magagandang salita.
Samantala, umaasa naman ang pamilya ng dalawang nurse na natakot sa banta ng pulis, na makakamit nila ang hustisya sa truma at takot na idinulot sa kanila ng insidente.