Sa pamamagitan ng isang resolution na ipinasa noong Martes, opisyal na hiniling ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Odiongan kina Governor Jose Riano at Congressman Eleandro Madrona na magkaroon ng Covid-19 Testing Center sa probinsya ng Romblon.
Ayon sa resolusyon, ito umano ay para mas mapabilis ang pag-test sa mga suspected Covid-19 patients o dating patients under investigation (PUI), at sa mga kikonsedera paring mga Patients Under Monitoring (PUM).
Sa panayam ng Romblon News Network kay Vice Mayor Diven Dimaala nitong Miyerkules, nasabi nito na malaking bagay na ang magkaroon ng testing center sa Romblon kahit umano mga rapid test kits lang ang gagamitin.
“Hindi naman siguro kailangan na ganun sa Marikina ‘yung sa atin, basta may testing center lang, para sigurado tayo na wala talagang positibo rito sa atin,” ayon sa bise alkalde.
Mahalaga umano ito lalo na sa paglipat ng Romblon mula sa enhanced community quarantine patungo sa general community quarantine kung saan pinapayagan na ang publiko na lumabas para bumili ng eseential at non-essential products.