May aabot na sa 106 na mga establisimiyento sa lalawigan ng Romblon ang nag-apply sa Covid Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE), batay sa pinakahuling taya ng Field Office nito sa Odiongan nitong Biyernes, April 3.
Ayon kay Roderick Tamacay, provincial director ng DOLE-Romblon, nang ito ay maging panauhin sa Online Kapihan sa PIA-Romblon, ang 106 na mga establisimiyento ay katumbas ng aabot sa 1,398 na mga mangagawa na nawalan ng trabaho dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong lalawigan.
Sinabi ni Tamacay na mababa pa ito sa inaasahan nilang dami ng mga establisimiyento na papasok sa CAMP ng DOLE kung ikukumpara sa ibang datus na hawak ng ibang ahensya ng gobyerno.
“Kung mapapansin ninyo, mababa po ‘yung mga nakapag-submit na mga establisimiyento kasi sa datos na ibinigay sa akin ng DTI, ‘yung nag-register ng business noong 2015-2019 ay aabot sa 6,669. Sabihin nalang natin na 50% rito ay mga sari-sari store, at yung iba ay non-operational, tapos let’s say na 1,000-1,500 ay operational, still masyadong mababa kumpara sa 106 na nag-apply,” ayon kay Tamacay.
Bagama’t may mga nagpapadala pa rin sa kanila ng mga application forms sa pamamagitan ng email, ito umano ay paunti-unti na lang pero sinisiguro pa rin nilang tatanggapin ito at iproseso hangga’t walang ibinababa umano sa kanilang order na itigil na.
Ang CAMP ay isang programa ng pamahalaang nasyonal para sa lahat ng pribadong manggagawa kung saan natigil ang trabaho matapos magsara ang kanilang mga opisina at mga pinagtatrabahuan dahil sa coronavirus disease 2019 outbreak.
Tatanggap ng P5,000 na ayuda mula sa pamahalaan ang mga manggagawa ng isang pribadong kompanya na aaprubahan ng DOLE.
Sa ngayon, may apat (4) ng establisimiyento sa probinsya na nag-apply sa nasabing programa ang na-aprubahan na ng ahensya.
Ang mga gusto pang mag-apply na mga establisimiyento ay maaring magpadala ng application form, at payroll ng kanilang mga manggagawa sa kanilang email address na camp.doleromblon@gmail.com.