Nagsagawa kamakailan ang Department of Trade and Industry – Romblon ng kanilang Diskwento Caravan sa mga lugar sa lalawigan ng Romblon na nahihirapang makaangkat ng mga pangunahing kalakal dahil sa umiiral na lockdown dahil parin sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).
Ayon kay DTI-Romblon provincial director Noel Flores, isa sa mga bayan na kanilang pinuntahan para sa Diskwento Caravan ay ang bayan ng San Jose sa Carabao Island kung saan kasalukuyang nagpapatupad ng extreme community quarantine dahil sa unang positibong kaso ng Covid-19 sa lugar.
“Dahil walang pumapasok na mga goods sa kanila at nagkaroon ng balita na hirap silang makapasok sa Caticlan kung saan sila umaangkat dahil sa lockdown, agad kaming nag-isip ng paraan kung paano kami makakatulong sa mga tindahan sa lugar,” ayon kay PD Flores nang makausap ng PIA-Romblon.
“Agad naming pinagalaw ang aming Negosyo Center sa San Jose para kumuha ng mga purchase order sa iba’t ibang tindahan sa bayan upang malaman namin ang mga kailangan nilang produkto, saka ipinadala ang mga order sa Odiongan kung saan namin ito binili ng DTI-Romblon,” dagdag ni PD Flores.
Aniya, ang mga kalakal ay binili ng ahensya sa Odiongan sa murang halaga at ibibigay nila ito sa mga tindahan sa San Jose sa parehong halaga.
“Humingi kami ng tulong sa local government ng Odiongan at sa Provincial Government para maihatid namin ng libre ang mga pinamili naming mga kalakal sa Odiongan. Sagot namin jan yung ‘hauling’ at yung paghatid kaya malaki ang natipid ng mga retailers natin,” paliwanag pa ni Flores.
Ilan sa mga ipinabili ng mga tindahan sa DTI-Romblon ay mga gatas, delata, asukal, asin, diaper, at iba pang pangunahing produkto na ubos na sa kanilang bayan.
Nagsagawa rin ng parehong programa sa isla naman ng Banton kung saan kasamang inihatid ang mga gamot na kailangan ng mga matatanda sa lugar.
Sa kabuoan, sinabi ni DTI-Romblon provincial director Noel Flores na aabot sa halos P2-million ang halaga ng mga kalakal na kanilang inihatid sa dalawang munisipyo.
Sinabi pa ni PD Flores na unang delivery palang umano ito at posibleng masundan pa lalo na umano’t mas pinalawig pa ng gobyerno ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.