Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development – Field Office Mimaropa na sa huling taya nila nitong ika-8 ng Abril, may aabot na sa P69,615,000 na kabuoang pundo ang kanilang ibinaba sa ilang Local Government Unit sa probinsya para magamit sa pamimigay ng ayuda sa mga pamilyang pasok sa Social Amelioration Program (SAP) ng goyberno.
Sa huling taya rin ng ahensya ay may 13,923 na pamilya sa lalawigan na naapektuhan ng enhanced community quarantine ang naaprubahan na at siguradong makakatanggap na ng ayuda mula sa SAP.
Kung babatayan ang kanilang inilabas na datus, ang 13,923 na pamilya ay makakatanggap ng P5,000 bawat isa.
Hiwalay pa sa mga bilang ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nauna ng nakatanggap ng kanilang ayuda mula sa Gobyerno nitong nakalipas na mga araw. Ang mga lokal na pamahalaan na nakatanggap na ng pundo ay maari ng simulan ang pamimigay ng nabanggit na ayuda.
Ang nasabing programa ay napapaloob sa ‘Bayanihan to Heal As One Act’ na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-24 ng Marso.
Ang mga benepisyaryo ng nasabing programa ay makakatanggap ng P3,000 hanggang P5,000 na ayuda mula sa gobyerno sa loob ng dalawang buwan, depende sa dami ng miyembro ng ‘vulnerable’ sektor na meron sa isang pamilya.