Nakunan na ng swab samples ang natitirang patients under Investigation o PUI sa lalawigan ng Romblon ngayong araw para i-test sa coronavirus disease 2019 o Covid-19, ayon sa Provincial DOH Office – Romblon.
Sa text message ni DOH Representative at PDOHO-Romblon Public Information Officer Ralph Falculan, sinabi nitong nakunan na ang natitirang labindalawang (12) PUI kabilang ang 5 pasyenteng kasalukuyang nasa iba’t ibang ospital sa lalawigan.
Ipinadala na rin umano ang mga swab samples sa San Lazaro Hospital sa Manila para isalang sa tinatawag nilang polymerise chain reaction (PCR) test.
Bahagi umano ito ng programa ng gobyerno na idaan sa mass testing ang lahat ng PUI na ngayon ay tinatawag na nilang suspected/probable Covid-19 patients.
Inaasahang lalabas ang resulta makalipas ang 3 hanggang 5 araw.
Muling paalala ni Falculan sa publiko habang inaantay ang resulta ng 12 na pasyente, manatili sa pamamahay kung walang importanteng gagawin sa labas ng bahay para makaiwas sa Covid-19.