Magsisimula na sa darating na Miyerkules ang pamamahagi ng cash assistance sa bayan ng Odiongan Odiongan mula sa Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan, ito ang inanunsyo ni Mayor Trina Firmalo-Fabic sa kanyang Facebook account ngayong Sabado de Gloria.
“Magsisimula ang pag bigay ng assistance sa Miyerkules hanggang sa susunod na linggo. Dahil sa dami ng pamilya na pagbibigyan at dahil iba-bahay-bahay ito ng mga tauhan ng MSWD at barangay, mangyaring mag antay lang tayo,” ayon sa alkalde.
Dagdag nito, sa susunod na mga araw ay ibababa na sa kanila ang pondo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa may aabot sa 11,864 na pasok sa Social Amelioration Program, kasama na ang mga social pensioners at mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Sa panayam ng Romblon News Network sa alkalde, sinabi nitong 9864 na mahihirap na pamilya na hindi pasok sa 4Ps ang makakatanggap ng tulong na ipinamimigay ng pamahalaan.
Ang ilan naman umanong hindi maisasama sa SAP ay makakatanggap parin ng tulong mula sa lokal na pamahalaan.
“Pwera dito, mayroon tayong assistance para sa mga hindi maisasama sa SAP. Kahit papaano ay may matatanggap na konting ayuda mula sa gobyerno ang lahat ng pamilyang Odionganon sa pamamagitan ng KAPWA Program ng munisipyo. Ito ay konting financial na assistance, bigas, at vouchers na pwedeng ipalit sa gulay, karne at iba pang basic commodities,” ayon sa alkalde.
Humingi ng pasensya at pag-intindi ang alkalde susunod na dalawang linggo habang niro-roll out ang mga programa sa bayan.
Maglalabas rin umano ang bayan ng mga dedicated hotline number para sa mga gustong magpaabot ng mga katanungan patungkol sa mga ayuda at assistance ng gobyerno.
“Sisiguraduhin namin ang transparency ng buong proseso para makita ninyo kung magkano ang binaba na pera at kung sino ang mga makakatanggap nito. Sana tulungan niyo kami at suportahan sa mga kailangan naming gawin sa mga susunod na araw. Sinisikap namin na maipaabot ang tulong sa bawat Odionganon,” paniniguro ng alkalde.