Makakatanggap ng aabot sa P3,000 na ayuda mula sa lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ang mga barangay frontliners sa bayan sa ilalim ng Cajidiocan Indo Kaagapay Sa Aton Pagbangon (CIKAP) Program.
Ayon sa focal person ng Cajidiocan Task Force Covid na si SB Greggy Ramos, ang nasabing ayuda ay sisimulan nilang ipamigay sa susunod na buwan, bilang pasasalamat at pagpapahalaga sa lahat ng sakripisyo ng mga barangay frontliners.
Kabilang sa mga makakatanggap ay Kapitan, Kagawad, Brgy. Secretary, at Barangay Treasurer na hindi napasama sa Special Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development.
Maliban rito, ang mga pamilyang hindi na-qualify sa SAP ay makakatanggap rin ng P3,000 na ayuda.
Aniya, dapat umano ang pamilya ay nakapasa ng Social Amelioration Card, hindi nakakatanggap ng ano mang ayuda mula sa national at municipal government, at walang miyembro ng pamilya na may income na P10,000 kada buwan.
“Pagkatapos po na ma irelease ang ating SAP ay magsisimula na po tayong tumanggap ng application po para sa ating CIKAP Program,” ayon kay Ramos.
Bibigyan rin ang lahat ng pamilya sa nasabing bayan ng 20kgs na bigas, at P500 na halaga ng grocery.
Samantala, sa ilalim rin ng CIKAP Program ay makakatanggap rin ng risk allowance ang mga barangay health workers sa nasabing bayan bilang tulong rin sa kanilang pagpapagod para mapanatiling Covid-19-free ang buong bayan.