Hinihikayat ng isang grupo ng mga kabataan ang mga publiko lalo na ang mga kapwa nila kabataan na umiwas na sa mga ipinagbabawal na gamot, at huwag na huwag magpapaloko sa mga miyembro ng teroristang grupo sa bansa.
Sa punong balitaan ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) – Romblon provincial chapter nitong March 7 sa Odiongan Municipal Police Station, sinabi ng Presidente nila na si Mike John Rubio na ikakasira ng buhay ng isang kabataan ang malulong sa mga iligal na droga.
Upang maiwasan umano ito, iba’t ibang programa para sa mga kabataan ang ilulunsad ng grupo sa mga susunod na mga araw katuwang ang Romblon Police Provincial Office, at ang mga Sangguniang Kabataan ng lalawigan ng Romblon. Isa na rito ang nakatakdang KKDAT leadership camp na gaganapin sa bayan ng Magdiwang, Romblon sa susunod na buwan.
“Sa mga kabataan, kayo po ay hinihikayat namin na makilahok sa mga programa ng KKDAT na sigurong makakatulong po ito sa inyo para malayo kayo sa masasamang bisyo,” panghihikayat ni Rubio.
“Ang organisasyon po namin ay tutulong sa mga kabataan para po masugpo ang paggamit ng iligal na droga lalo na sa mga kabatan ngayon, at mapalayo sila sa masasamang gawain; para na rin makapag-focus sila sa kanilang sarili, at makatulong sa kanilang bayan,” ayon kay Rubio.
Pinasalamatan naman ni Lieutenant Colonel Raquel Martinez ang mga opisyal ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) – Romblon provincial chapter sa maganda nilang layunin para sa mga kabataan.
Aniya, ang mga nabanggit na kabataan ay isa umano sa mga magiging force multiplier ng kapulisan na tutulong sa kanilang information dissemination at intelligence gathering sa kani-kanilang mga lugar.
Siniguro naman ni Lieutenant Colonel Martinez ang kaligtasan ng mga kabataang magiging miyembro ng KKDAT lalo na kung sakaling makapagbigay sila ng tip sa mga kapulisan kaugnay sa mga masamang nangyayari sa kani-kanilang mga lugar.