Sa harap ng ugong ng kudeta sa posisyon ng House Speaker, ang nasibak sa puwesto eh ang namumuno ng House Committee on Appropriation, na siyang punong-abala sa mga pagdinig tungkol sa taunang badget ng gobyerno. At ang hirit ng ating kurimaw, posibleng may kinalaman ang mga pangyayari sa 2022 national elections.
Pero teka, hindi ba’t 2021 pa lang sa susunod na taon? Bakit nga ba naikonek kaagad ng mga kurimaw natin sa 2022 elections ang nangyayaring girian ngayon sa Kamara de Representantes na pinamumunuan nitong si Congressman Alan Peter Cayetano?
Sa unang pagkahol pa lang daw ni Cayetano na may nagbabalak sa ikudeta siya para masibak sa puwesto, may mga nagduda na baka gimik lang niya iyon para magpatawag ng botohan sa plenaryo tungkol sa speakership. Kung ideklara nga naman na bakante ang puwesto ng Speaker at manalo siya, aba’y ibig sabihin ay ibabasura na ang kasunduan noong nakaraang taon na maghahati sila ni Marinduque Rep. Alan Velasco sa speakership.
Ngunit dahil siya ang lider ngayon ng Kamara, masasabing may bentahe si Cayetano laban kay Velasco pagdating sa pakikitungo sa mga kongresista. Pero puwede ring magkaroon ng gulatan sakaling magpasya si President Mayor Digong Duterte na iupo na nang mas maaga si Velasco bilang speaker, lalo pa’t banas na banas si Davao City Mayor Sara Duterte kay Cayetano.
Sa ilalim kasi ng kasunduan na inilatag ng pangulo noong nakaraang taon, si Cayetano ang Speaker sa unang 15 buwan at si Velasco naman sa natitirang 21 buwan. At batay nga sa kasunduan, magiging speaker si Cayetano hanggang sa darating na Oktubre—ang buwan naman na inaasahang tapos na ng Kamara ang paghimay nila sa 2021 national badget.
Ito ang isang nakikitang dahilan ng ating mga kurimaw kung bakit sinibak ni Cayetano bilang chairman o pinuno ng appropriation committee si Davao City Cong. Isidro Ungab, kababayan pa man din ni Pres.Duterte, at miyembro ng partido ni Mayor Sara na Hugpong ng Pagbabago.
Nang sabihin dati ni Senador Ping Lacson na sangkatutak ang “isiningit” na pork barrel project sa 2020 badget, panay ang tanggi noon ni Ungab. Pero ngayong sinipa na siya sa pagiging pinuno ng appropriation committee, inamin niyang nagkaroon nga ng mga “singit” na hindi dumaan sa tamang proseso.
Dahil hindi kapartido at hindi rin “kaalyado” ni Cayetano si Ungab, hindi siya nakasisiguro kung sakaling magkaroon na naman ng “singitan” sa 2021 badget na ang makikinabang ay ang mga kaalyado ng posibleng makalaban niya sa 2022 elections. Ang pondo kasing ilalaan sa 2021 eh maituturing “election budget” dahil maipagmamalaki ng mga kongresista sa mga botante sa kani-kanilang lugar ang mga proyektong maipapagawa nila. At siyempre, tatanaw sila ng utang na loob sa kanilang lider.
Kung pagbabasehan ang posibleng timeline sa paghimay sa badget, malamang na ibigay sa kanila ni President Mayor Digong ang mungkahing 2021 budget sa SONA sa July. Pagkaraan nito eh magsasagawa na ng pagdinig ang appropriation committee, at maaaring aprubahan na sa plenaryo ang badget pagsapit ng Oktubre—at malamang bago umupong speaker si Velasco.
Hindi man aminin ni Cayetano, hindi maitatanggi na posibleng sumabak muli siya sa 2022 elections tulad ng pagtakbo niyang bise presidente noong 2016. Maaari namang makabangga niya si Sara, o kung sino mang mamanukin ni Sara o ng Hugpong… sa 2022. Kaya kung may ambisyon muli si Cayetano sa mas mataas na posisyon, kailangan niyang matiyak na mabibigyan ng sapat na pondo ang mga alipores niyang kongresista.
Kung mabibigyan din ng sapat na alokasyon ang ibang kongresista na hindi kaalyado ni Cayetano tulad ng mga miyembro ng Hugpong, aba’y hindi natin alam. Pero dapat pa rin nating abangan mga tsong kung magkakaroon ng “gulatan” sa Kamara bago ang SONA sa Hulyo.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)