Hindi pa man tapos ang problema ng mundo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19, eh tila naghahanap na ng mapagbubuntunan ng ibang masisi ang China.
Alam naman siguro ng mundo na nagsimula ang killer virus na ito sa lungsod ng Wuhan, na makikita sa lalawigan ng Hubei sa China. Kaya nga nang dumadami na ang kaso sa Wuhan, ni-lockdown nila ang lungsod noong Enero, at pagkaraan ay nilawakan pa ang lockdown sa buong lalawigan ng Hubei.
Sa ngayon, tinatayang halos 300,000 katao na sa buong mundo ang infected ng virus , at mahigit 80,000 nito eh nasa China. Take note: halos 10 libo ang namatay. Ang Pilipinas natin, mahigit 300 na ang kaso habang isinusulat natin ito, at naka-“quarantine” ang buong bansa.
Kung tutuusin sabi ng ating mga tsokaran, may “magandang” dulot din naman daw ang pagkalat nitong virus. Mantaking ninyong mahigit P3 na yata bawat litro ng gasoline at diesel ang nabawas sa presyo dahil bumagsak ang presyo ng mga produktong petrolyo sa world market.
Ang mga salaulang Pinoy na dura nang dura sa kung saan-saan at walang patumangga kung umubo at bumahing eh kahit papaano ay nabawasan na ang kasalaulaan. Kasi naman, subukan ninyong umubo o bumahing ngayon sa mataong lugar at huwag kayong magtakip ng ilong at bibig, tingnan natin kung ano ang mangyayari sa inyo.
Marami na rin ang health conscious at nagpapalakas ng resistensiya. Marami rin ang natutong maghugas ng kamay pagkagaling sa CR at panay pa ang lagay ng alcohol. Aba’y lumuwag din ang kalsada sa Metro Manila, at inalis ang coding sa sasakyan.Tuwang-tuwa rin ang mga tamad na estudyante dahil napaaga ang bakasyon nila.
Bukod doon, tila naging patas ang mga mayaman at mahirap ngayong bakasyon. Kung noon kasi eh nasa pasyalan o bakasyunan ang mga may pera kapag magtatapos na ang school year, ngayon, tulad na sila ng mga walang pera na nananatili lang sa bahay. Bukod kasi sa takot silang ma-virus, wala ring biyahe ang maraming eroplano, o kaya naman eh hindi tumatanggap ng mga bisitang galing Metro Manila ang mga bakasyunan.
Kung problemado tayo sa Pilipinas sa pagdami ng kaso ng COVID-19, mas malaki ang problema ng Italy, na itinuturing bagong “epicenter” ng virus dahil sa dami ng kaso nila at dami ng mga namamatay. Sa kanila na ngayon nakatuon ang atensyon ng mga kinauukulan at wala na sa Wuhan o Hubei, dahil bumababa na ang kaso sa China.
At habang dumadami nga ang mga galit sa China dahil sa paniwalang sa kanilang nanggaling ang virus, bigla naman bumanat ang isang tagapagsalita nila at ipinapahiwatig na ang Amerika ang nagpasimula ng virus at nagdala sa Wuhan. Hindi ba’t mayroong mga “conspiracy theory” kuno na isang “bioweapon” ang naturang virus.
Ang problema sa alegasyon ng tagapagsalita ng China, wala naman siyang naibigay na ebidensiya na magpapatunay na posibleng Amerika nga ang nagpasimula ng virus. Iyong bang tipo na kahit sana anong propaganda man na puwedeng mapa-“ah, baka nga?” ang mga tao.
Kung mga Pinoy ang tatanungin kung maniniwala ba sila na Amerika ang nagpasimula ng virus, malamang pagtawanan lang ang tagapagsalita ng China. Bukod kasi sa wala namang ebidensiya, kilala ng mga Pinoy ang China na mahusay sa “propaganda” at “double-talk” gaya ng ginawa nila sa pag-agaw sa mga teritoryo natin sa West Philippine Sea. Bukod doon, may survey na nagsasabing malaki ang tiwala ng mga Pinoy sa US, habang parang balinghoy na nakabaon sa lupa ang tiwala ng mga Pinoy sa China.
Ang sabi ng mga eksperto, mabisang panlaban sa COVID-19 ang paghuhugas ng kamay. Ganito rin kaya ang gustong gawin ng China para makatakas sa sisi ng mundo kapag natapos na krisis? Malamang.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)