Pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) MIMAROPA ang isinagawang Tekno-Talakayan nitong Huwebes, March 05, sa bayang ito kaugnay sa Halal Food Industry Development Program (HFIDP), na isa sa mga programa ng ahensya.
Ayon kay Dr. Louella Rowena J. Lorenzana, pag-apat na probinsya na ang Romblon na nagsagawa ng ganitong talakayan simula noong unang ilunsad ang HFIDP sa rehiyon.
Dagdag ni Lorenzana, layunin ng programa na isulong ang pagkain ng mga Halal na pagkain dahil maganda umano ito sa kalusugan.
“Ang Halal po kasi ay parang food safety program, at ang Halal ay hindi lang naman para sa mga muslim kundi pwede rin ito sa mga non-muslims,” pahayag ni Lorenzana sa Philippine Information Agency – Romblon.
Tinatayang aabot sa 130 katao ang mga nakilahok sa talakayan, at karamihan sa kanila ay nagmula sa sektor ng industriya ng pagkain sa buong lalawigan at ilang galing sa lokal na pamahalaan.
Sa huli, hinikayat ni Dr. Lorenzana ang mga food manufacturers sa Odiongan ganun na rin ang mga restaurants at hotel owners, at iba pang kabilang sa sektor ng industriya ng pagkain, na kumuha ng Halal certification dahil ito ang hinahanap ng mga kapatid na muslim.
Sa nasabing talakayan, ipinaliwanag rin ni Mr. Sahraman Disomimba, miyembro ng National Commission on Muslim Filipinos, ang pangunahing konsepto, at prinsipyo ng pagkain ng Halal, at pag-unawa sa Halal at kung saan ang relihiyon at negosyo ay magkakaugnay.
Samantala, nagsalita rin si Mr. Al-Mahdi Jul-Ahmad, Trade Industry Development Specialist naman mula sa DTI, kung saan ipinaliwanag niya ang Republic Act 10817 o kilala ring ‘Philippine Halal Export Development Promotion Act of 2016.
Dumalo rin sa nasabing talakayan ang ilang tauhan ng National Meat Inspection Service (NMIS), at Halal International Chamber of Commerce and Industries of the Philippines, Inc. o HICCIP.