Simula March 17 ay magpapatupad na ng community quarantine sa buong Tablas Island at Simara Island sa lalawigan ng Romblon alinsunod sa joint executive order na pinirmahan ng 10 mayors sa nasabing isla kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa.
Ang isla ng Tablas ay binubuo ng siyam na bayan, ito ay ang mga bayan ng Odiongan, San Andres, Calatrava, San Agustin, Sta. Maria, Sta. Fe, Alcantara, Looc, at Ferrol; habang island municipality naman ng Corcuera ang isla ng Simara.
Simula alas-4 ng madaling araw ng Martes hanggang April 15, hindi na papayagan ang mga biyehero na pumasok sa mga nabanggit na isla lalo kung sila ay mula sa mga pantalan ng Batangas, Caticlan, Roxas sa Oriental Mindoro, Marinduqe, at Lucena sa Quezon.
Papayagan namang makapasok sa dalawang isla ang mga opisyal ng gobyerno na may opisyal na negosyo sa isla, mga miyembro ng PNP, AFP, BFP, PCG, at lahat ng mga manggagawang medikal.
Hindi rin kabilang sa mga hindi papasukin ang mga trucking services na maghahatid ng pagkain, gasulina, gamot, medical supplies at equipment, pagkain ng mga hayop, at mga construction materials.
Maliban rito, pagbabawalan rin ang publiko na lumabas ng kanilang tinitirhang bahay mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw maliban sa mga nasa frontline services.
Ipagbabwal rin ang pag-celebrate ng malalaking event na may mahigit 50 na bisita katulad ng birthday, at kasal, maliban sa mga church related gatherings basta masisiguro lang na maipatutupad ang social distancing rito.
Maliban sa dalawang isla, nagpapatupad na rin ng community quarantine ang mga isla ng Banton, at San Jose sa parehong probinsya.
Sa ngayon, nanatiling Covid-19-Free ang buong lalawigan ng Romblon.