Simula bukas ay mahigpit ng magpapatupad ng ‘total lockdown’ ang bayan ng Cajidiocan sa Sibuyan Island kung saan mas mahigpit na ipapatupad ang enhanced community quarantine sa lahat ng barangay.
Ayon sa focal person ng Cajidiocan Task Force Covid na si SB Greggy Ramos, ang mga barangay officials ay maglalatag ng checkpoint sa bawat hangganan ng kanilang nasasakupan upang pigilin ang pagpasok ng hindi residente ng Barangay.
Magkakaroon umano ng tig-isang passes ang bawa’t bahay at ito ang kailangang ipakita sa mga checkpoints kung sakaling mamimili sila ng pagkain sa labas. Papayagan rin umano lumabas ang mga nasa frontline services, kasama ang ilang may-ari ng tindahan ng mga pagkain at grocery sa bayan na hindi maaring tumigil sa mga panahong ito.
Suspendido na rin ang biyahe ng lahat ng transportation sa buong bayan katulad nalang ng mga tricycle.
Hindi rin muna pinapayagan ang paglabas ng bayan ng mga basic commodities katulad ng bigas, gulay, at karne upang masigurong hindi mauubusan ng supply ang bayan habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine.
Nagpatupad na rin ng curfew ang bayan kung saan hindi papayagan ang lahat na lumabas mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Samantala, isinailaim na rin sa State of Calamity ang bayan ng Cajidiocan para magamit ang calamity fund ng bayan sa pagbili ng mga gamit na kailgan ng mga health workers na lumalaban sa pandemic na Covid-19.