Tahasang itinanggi ni San Jose Mayor Ronnie Samson na may pagkukulang ang San Jose District Hospital, at ang kanilang Local Government Unit sa paglipat ng isang patient under investigation (PUI) sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Kalibo, Aklan, na kalaunay nag positive sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ayon sa alkalde ng makapanayam ng Romblon News Network, sinabi nito na malabong hindi nalaman ng ospital na PUI ang pasyente dahil ang nurse at driver na naghatid sa pasyente ay nakausot ng personal protective equipment o PPE.
“Wala tayong pagkukulang doon kasi una palang ang naghatid doon naka full gear eh [PPE], kompleto ang suot niya, para nga siyang astronaut. Hindi ba sila nagtaka, ‘uy bakit naka full gear yan?’, doon palang alam na nila yan,” ayon sa alkalde.
“Alam mo kahit minor na sakit lang yan, trangkaso o lagnat o ano… kasi unang-una, may protocol ang mga ospital na yan, hindi na nila kailangan ng kung ano-ano, may referral siyempre yan, may case study yan kung ano ang sakit ng dinala sa kanila,” dagdag nito.
Paliwanag ni Samson, matagal na umano silang nagpapadala ng mga pasyente sa Aklan kaya alam na umano nila ang protocol sa pag-transfer ng pasyente lalo pa umano ngayon at PUI ang inilipat noong March 25.
“Yung mga nakaraang mga pasyente, dahil ako ay naghatid din ng personal sa ospital, saksi mismo ako na bawat pasyente na dinadala doon sa ospital ay may referral, hindi nila tatanggapin yan kung wala,”
“Alam mo, prinangka ko ‘yung mga tao dito kasi galit na galit ako, sabi ko ‘Sino ba sa inyo ang nagsasabi ng totoo?’, eh sabi nila, ‘Mayor, wala kaming pagkukulang, itinurn-over namin doon ang pasyente, may referral na PUI Covid-19,” paliwanag pa ng alkalde.
Matatandaang sinabi ni Provincial Health Officer I, Dr. Cornelio Cuachon, Jr. na hindi nagkaroon ng ‘proper coordination’ ang Provincial Health Office ng Romblon sa counterpart nito sa Aklan.
“May lapses sa referral ng health worker ng Romblon pagdating dito sa Kalibo dahil hindi sinabi na may specimen sample na kinuha sa pasyente at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM),” ayon sa pahayag ni Cuachon sa Rappler.
Samantala, inaalam na ng Provincial Government ng Romblon ang totoong nangyari at sasagutin umano nila ang mga tanong kaugnay rito kapag may hawak na silang report mula sa mga San Jose District Hospital.