Nag-utos na si Mayor Ronnie Samson na isailalim na sa extreme community quarantine ang buong bayan kasunod ng naitalang unang kaso ng Covid-19 sa isla.
Sa executive order no. 15 na inilabas ni mayor Samson nitong Sabado ng gabi, nakasaad na wala ng papayagang lumabas at pumasok sa munisipyo ng San Jose maliban sa mga maghahatid ng mga essential goods.
Ipinag-utos rin nito na bawal na lumabas ng barangay Pinamihagan ang mga residente rito. Kung kailangan umanong lumabas para bumili ng pagkain at iba pang commodities ay kailangan nilang iutos nalang sa officer of the day ng Barangay Poblacion na siyang mag-aasikaso sa bayan.
Magpapatupad rin ng 24 oras na curfew sa buong bayan ng San Jose at walang ng lalabas ng kanilang bahay maliban sa mga frontliners at mga head of the families na merong home quarantine pass.
Inutusan rin ni mayor Samson ang lahat ng barangay officials na maglatag ng checkpoint sa mga boundary ng kani-kanilang barangay upang makasigurong nababantayan ang lahat ng pumapasok at lumalabas.
Kasabay ng extreme community quarantine ay nagpatupad na rin ng pansamantalang liquor ban sa buong isla kung saan bawal mag benta at bumili ng mga nakakalasing na inumin.
Ayon sa executive order ni mayor Samson, ang mga lalabag sa kanilang guidelines ang sasampahan ng kaukulang reklamo.
Matatandaang nitong Sabado ay inanunsyo ni Governor Jose Riano na isang residente ng bayan ng San Jose ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019.