Nanatiling walang kaso ng COVID-19 ang buong lalawigan ng Romblon ayon sa COVID-19 tracker na inilabas ng Department of Health (DOH)-Mimaropa ngayong tanghali.
Sa kabila nito, may binabantayan sa lalawigan na isang itinuturing na ‘Patient Under Investigation’ o PUI at ito ay kasalukuyang naka-admin sa Romblon District Hospital sa bayan ng Romblon, Romblon.
Siya ang 39 anyos na Filipino na nanggaling ng Malate, Manila at nagkaroon ng lagnat pagdating nito sa probinsya ng Romblon noong March 11.
Sa kabuoan, meron ng 5 PUI sa buong rehiyon ng Mimaropa ayon sa DOH-Mimaropa, 3 rito ay sa Palawan, at 1 naman sa Marinduque.
Paalala ng DOH na ang bawat isa ay may magagawa upang labanan ang COVID-19 sa pamamagitan ng: 1.) Regular na paghuhugas ng kamay, 2.) Tamang paraan ng pag ubo o pagbahing, 3.) Pagpapanitili ng isang metrong distansya mula sa mga may sintomas ng COVID-19, 4.) Pagsusuot ng face mask kapag ikaw ay may sakit, at 5.) Pagiwas sa matataong lugar.
Sa kasalukuyan ang bansa ay nasa ilalim pa rin ng State of Public Health Emergency sa pamamagitan ng Proclamation No. 922. (with reports from Orlan C. Jabagat/PIA-Palawan)