Simula nitong 12:01 ng ika-16 ng Marso, isinailalim na ni Governor Jose Riano ang buong lalawigan ng Romblon sa isang buwan na ‘community quarantine’ kasunod ng paglobo ng bilang ng mga tinamaan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Pilipinas.
Sa bisa ng executive order 54 na pinirmahan ng gobernador, nakasaad na hihigpitan ng lahat ng pantalan ng lalawigan ang pagpasok ng mga tao galing sa mga pantalan ng Batangas, Caticlan, Roxas sa Oriental Mindoro, Roxas sa Capiz, Marinduqe, at Lucena sa Quezon.
Hindi naman isasama sa paghihigpit ang mga biyahero na maghahatid ng mga pagkain, gasulina, pagkain ng mga hayop, gamot, medical equipment, at mga gamit sa konstruksyon.
Hindi rin kabilang sa mga hihigpitan sa pagpasok ang mga doktor, opisyal ng gobyerno, miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines at Bureau of Fire Protection ngunit sisiguraduhin umanong dadaan sila ng 14-day self quarantine.
Hindi naman magkakaroon ng paghihigpit sa mga pasaherong palabas ng probinsya.
Taglay rin ng Executive Order No. 54 ang kautusang nagpapalawig sa suspensyon ng klase sa lahat ng antas ng paaralan, pribado man o pampubliko, sa buong lalawigan.
Ayon kay Gobernador Riano, mula ngayong March 16 ay walang pasok ang mga estudyante hanggang April 14, 2020.
Hinihikayat rin ng Gobernador ang publiko na obserbahan ang utos ng Department of Health na magkaroon ng ‘social distancing’ kapag may mga pagpupulong, aktibidad sa simbahan, pagkain sa mga restaurants, at iba pa.
Ipinag-utos rin ng Gobernador sa lahat ng operator ng pampublikong sasakyan na hanggang kalahati lang ng kapasidad ang pasakayin sa kanilang mga sasakyan.
Samantala, inutos rin ng Gobernador ang pag suspinde sa lahat ng ‘tourist related activities’ sa buong probinsya kabilang na ang pagpunta sa resorts.
Inatasan rin ng gobernador ang lahat ng munisipyo na magpatupad ng curfew hanggang April 14, kung saan pagbabawalan silang lumabas ng kanilang tahanan mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw maliban sa mga nasa frontline services.
Sa pinakahuling taya ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU), nanatiling COVID-19-free ang buong lalawigan ng Romblon bagama’t may binabantayan silang 3 patients under investigation sa mga bayan ng Odiongan, at San Agustin.