Nag negatibo sa covid-19 ang isinagawang swab test sa isang binabantayang person/patient under investigiation o PUI sa ISIAH Hospital and Medical Center base sa result na dumating mula sa Research Institute for Tropical Medicine.
Sa pahayag ng ISIAH Hospital and Medical Center sinabi nila na dumating na kagabi ang resulta ng test at kinagagalak umano nilang ibalita ang nasabing resulta.
March 12 ng ma-admit sa ospital ang nasabing PUI na galing Manila matapos magpakita ito ng sintomas ng Covid-19.
“Ngayong araw ay uuwi na ang pasyente na malakas, malusog at nakangiti. Gayunpaman, siya po ay pinayuhang sumailalim pa rin sa home quarantine hanggang April 14 bilang pagsunod naman sa direktiba ng pamahalaan,” ayon sa statement ng ospital.
Samantala, mananatili naman umanong sarado ang OPD o out patient department ng ospital dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine at tanging ang mga emergency at admissible cases lang ang kanilang tatanggapin.
Bagamat sarado, bukas naman ang kanilang hotline para sa libreng online checkup kung saan maaring sumanggin ng nararamdaman sa pamamagitan ng pagtawag sa 0908-967-0808.