Magsisimula na sa darating na Mayo ang isasagawang census ng populasyon at sambahayan ng Philippine Statistics Authority sa lalawigan ng Romblon.
Ito ang inanunsyo ni Engr. Johnny Solis, officer in charge ng Philippine Statistics Authority – Romblon, sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong unang Lunes ng Marso.
Magsisimula ang census sa darating na ika-4 ng Mayo at magtatagal hanggang sa unang araw ng buwan ng Hunyo.
“Itong 2020 Census of Population and Housing (2020 CPH) ay naglalayong mag-update po sa ating population and housing statistics sa buong Pilipinas, na pangunahing layunin ay maging basehan ng pamahalaan sa kanilang pagpapatupad ng mga proyekto,” ayon sa pahayag ni Engr. Solis.
Sinabi rin ni Solis na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd) para sa destino ng mga gurong magiging enumarators ng ahensya sa census ngayong taon, alinsunod ito sa Batas Pambansa Blg. 72.
Nakikiusap naman si Solis sa publiko na makipagtulungan sa kanilang ahensya at sa mga guro na tutungo sa kanilang mga pamamahay upang masigurong mabibilang ng maayos ang populasyon sa lalawigan.
Ang huling census ay isinagawa noong taong 2015 kung saan naitala sa Romblon ang bilang ng populasyon na aabot sa 292,781.