Isang taon na pansamantalang isususpinde ang pagbabayad sa mga programang pautang ng Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ang ipinapatupad ng ahensya bunsod ng Enhanced Community Quarantine na naka-apekto sa kita ng mga magsasaka at mangingisda.
Aabot sa 2.3 bilyon ang kabuuang halaga ng pautang sa ilalim ng programa ng ACPC at nasa 77,375 na magsasaka at mangingisda ang tinatayang makikinabang sa nasabing moratorium sa buong bansa.
Alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim ang buong bansa sa “state of calamity“ sa loob ng anim na buwan dahil sa banta ng COVID-19 at sa direktibang Enhanced Community Quarantine, maraming magsasaka at mangingisda ang nalugi sapagkat hindi nakapagbenta ng kanilang mga ani.
Bunsod nito, ang mga partner lending channels ng ahensya ay binibigyan din ng DA-ACPC ng isang taong palugit para sa pagbabalik ng mga pautang sa mga magsasaka at mangingisda na nakapaloob sa moratorium.
Inilunsad ng Department of Agriculture ang naturang moratorium noong Marso 16, 2020 na maaaring aplayan ng mga magsasaka at mangingisda; magtatapos ang moratorium sa Marso 16, 2021. (Lisabelle Carpio/PIAMimaropa/Calapan)