Iniimbestigahan ng Aklan Provincial Health Office kung may nangyaring “miscommunication” sa paglipat ng isang patient under investigation (PUI) mula sa San Jose, Romblon patungo sa Aklan Provincial Hospital na kalaunay nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Sa ulat ng pahayagang RadyoTodo, dumating ng Caticlan ang pasyente noong March 25 at sinundo ng ambulansya kung saan nakasuot ng Personal Protective Equipment ang driver nito dahil alam nitong PUI ang pasyente.
Ngunit ayon kay Dr. Cornelio Cuachon, Jr., Provincial Health Officer ng Aklan, pagdating umano sa Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital sa Kalibo, Aklan ng pasyente ay walang nakapagsabi ng medical history at kung may travel history sa Manila ang pasyente o ito ba ay isang PUI.
Dahil sa pag-aakalang normal lang ang kaso ng pasyente, inilagay ito sa isolation ward ng hospital at hindi sa isolation room na para sana sa PUI.
Dagdag ng ulat, sinabi ni Dr. Cuachon na dahil sa pangyayari ay nagkaroon ng direct contact ang mga nurse at doctor sa pasyente nang walang suot Personal Protective Equipments o PPE.
Ikinagulat umano ng mga medical frontliners ng Dr. Rafael S. Tumbokon Memorial Hospital ang lumabas na balita sa lalawigan ng Romblon ngayong araw na nagpositibo sa covid-19 ang pasyenteng kanilang inaalagaan.
Kasunod ng ulat, agad nilang inilipat sa isolation room ang pasyente.
Ipinagutos na rin sa pamunuan ng ospital na gumawa ng incident report kaugnay sa nangyari para matukoy ang kakulangan at mapag-usapan ng Provincial Task Force para sa karampatang aksyon. (with reports from Jonathan Cabrera/RadyoTodo)