Sa kalagitnaan ng paglaganap ng coronavirus disease 2019 o Covid-19, daan-daang magsasaka ng rehiyon ng Mimaropa ang nahirapang maitawid ang kanilang mga produktong agrikultura dulot ng pinaigting na community quarantine.
Bilang pagtugon sa hinaing ng kani-kanilang lokal na magsasaka, umaksyon ang mga lokal na pamahalaan ng Oriental at Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan nang sa gayon ay kumita ang mga magsasaka para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan lalo na sa kanilang patuloy na pagsaka at pag-ani para sa bayan.
“Binibili namin yung mga produktong ani ng mga magsasaka tulad ng ng saging at saging na saba, puso ng saging, labong, upo, mangga mula sa iba-ibang barangay dito sa Aborlan”, wika ni Aborlan, Palawan Mayor Celsa Adier.
“Ito ay upang… maiwasan pang magtungo sa palengke ang mga mamamayan at makatulong sa mga magsasaka na hindi masira ang kanilang mga ani,” dagdag nito.
Bumibili rin ang lokal na pamahalaan ng Odiongan, Romblon sa pangunguna ni Mayor Trina Firmalo – Fabic ng mga gulay at prutas mula sa mga magsasaka at idinadagdag ang mga ito sa ipinamimigay na relief goods na dressed chicken, isda, bigas, at de lata.
Ayon sa ulat ng Romblon News Network, naging bahagi rin ng inisyatibo si Dating Calatrava Mayor Bong Fabella na patuloy pa ring pinagsisilbihan ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng pamimigay ng libreng isda sa mga residente nito.
Binili rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Marinduque ang 500 kilo ng kamote at 26 kilo ng letsugas ng Sibuyao, Torrijos bilang pagtulong na maibenta ang mga produkto ng mga lokal na magsasaka mula sa malalayong lugar.
Patuloy din ang kanilang pamamahagi ng mga butong pantanim sa lalawigan para sa mga gulay na maaaring alagaan sa mga bakuran ng mga mamamayan habang ipinapatupad ang enhanced community quarantine.
Sa pakikipag-ugnayan sa Office of the Muncipal Agriculturist ng Abra De Ilog, Occidental Mindoro na pinangungunahan ni Municipal Agriculturist Julius Judelito Amodia, namigay din ng isda at gulay ang lokal na pamahalaan ng Abra De Ilog.
Sa kabilang dako, bumili rin ang LGU ng Calapan City, Oriental Mindoro ng bigas at melon para sa kanilang Covid-19 at food corridor frontliners, ayon kay Provincial Agriculturist Christine Pine.
Tumutulong din ang Bureau Plant Industry – Plant Quarantine Services Division Area Manager Lorna Cepillo sa pagtulong sa mga magsasakang humahanap ng potential buyers tulad ni Mar Bautista mula Baco, Oriental Mindoro para sa kaniyang supply na melon at pakwan.
Binigyang pansin ni Kalihim ng Pagsasaka William Dar ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa mga magsasaka ng Mimaropa at sinaludo ang kanilang pagtangkilik at pagbili ng mga produktong agrikultural.
Hindi lamang ito makakatulong sa kanilang kita ng mga magsasaka, magiging mainam din ang inisyatibo sa pagpapalakas ng resistensya ng mga mamamayan mula sa kasalukuyang ‘pandemic’, dagdag ni Kalihim.
Inaanyayahan ni Kalihim Dar ang patuloy na tangkilikin ang mga produkto ng mga magsasaka sa pamamahagi ng food packages sa mga mamamayan lalo na sa panahon ng sakuna kung saan kailangan ng sambayanan ang sapat na lakas at kita sa gitna ng enhanced community quarantine. (PR)