Inihayag ng isang grupo ng mga kababaihan sa bayan ng Odiongan, Romblon na nasa mas maayos ng lagay ang mga kababaihan ngayon sa bayang ito kumpara noong mga nakaraang taon.
“Para sa amin, parang na-enhance na ang mga kababaihan. Hindi mo na masasabi na parang down sila lahat. Makikita mo naman na kahit ang Mayor natin ay babae, para bang nangingibabaw na kaming mga babae,” masayang pahayag ni Mary Jane Coching, Presidente ng Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) – Odiongan Municipal Federation, nang sila ay dumalo sa isang Talakayan kasama ang Philippine Information Agency – Romblon nitong ika-4 ng Marso sa DTI-Negosyo Center, Odiongan.
Bagama’t may mga babae parin umanong naabuso sa kanilang mga pamamahay, sa trabaho, o sa paaralan, hindi umano maipagkakaila na nabawasan na umano ang mga umaabot sa barangay o di kaya ay korte.
“Hindi naman agad mawawala yan [pang-aabuso] kasi may mga babae parin na walang kakayahang lumaban sa kanilang asawa, pero karamihan sa kanila ay pinag-uusapan nilang mag-asawa at hindi na umaabot ng barangay,” dagdag ni Coching.
Batay sa Republic Act 9262 o mas kilalang ‘ Anti-Violence Against Women and Their Children Act’, ang pananakit sa isang babae at sa kanyang mga anak ay posibleng magresulta sa pagkakabilanggo at pagmumulta ng P100,000 hanggang P300,000.
Maliban sa RA 9262, protektado rin ang mga kababaihan sa ilalim Anti-Rape Law (RA 8353), Rape-Victim Assistance and Protection Act (RA 8505), Anti-Sexual Harassment Law (RA 7877), Anti-Trafficking of Persons Act 2003 (RA 9208) at iba pa.
Hiling ni Coching ngayong buwan kung saan ipinagdiriwang ang National Women’s Month, sana umano ay mas marami pang mga babae ang magkaroon ng kamalayan sa kanilang mga karapatan pagdating sa bahay, sa trabaho, sa paaralan, o kahit sa mga pampublikong lugar.
Kaugnay ng nasabing pagdiriwang ng National Women’s Month, kabi-kabilang aktibidad rin ang nakalinya ngayong buwan sa bayan ng Odiongan para igunita ito, kabilang na ang pagsasagawa sa iba’t ibang barangay ng sympsoium para sa mga kababaihan.