Klinaro ng lokal na pamahalaan ng Looc, Romblon ang bali-balitang may isang pasyente na naka-confine sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital ang nagpositibo sa 2019 novel coronavirus o COVID-19.
Ayon kay Looc mayor Lisette Arboleda, hindi totoo ang kumakalat na balita na may confirmed case ng COVID-19 sa kanilang bayan.
Dagdag nito, ang tinutukoy na bata sa kumakalat balita ay walang sintomas ng nasabing virus ngunit hindi itinanggi ng alkalde na may travel history sa ibang bansa ang ama nito.
“Ang tatay po ng bata ay may travel history from HongKong last February 28, at naka self-quarantine po hanggang March 12. Ang Tatay po ay in good health, no symptoms, at on strict monitoring, following the guidelines of the Department of Health,” ayon sa alkalde.
Itinuturing lamang ang ama ng bata na isang Persons under monitoring at inaasahang matatapos ang self-quarantine matapos ang 14 araw.
Nagkataon lang umano na nagkasakit ang bata kaya kinailangang dalhin sa ospital ngunit ngayon ay nagpapagaling na rin umano ito.
Sinabi rin ng alkalde na walang dahilan para matakot ang mga residente ng bayan, at hiniling na huwag magpapakalat ng mga pekeng balita dahil maari umanong panagutin sa batas ang mga gagawa nito.
“Sa halip, tumulong po tayo na ipakalat ang tamang paraan para makaiwas sa banta ng COVID-19 na itinuturo ng Department of Health,” hiling ng alkalde.