Pansamantala munang ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Ferrol, Romblon ang pagbisita ng mga turista sa mga sikat na tourist attraction sa kanilang lugar, kabilang na ang kilalang Sitio Binucot sa Barangay Bunsoran bilang paraan umano para makaiwas sa COVID-19.
Sa executive order na pinirmahan ni Mayor Jovencio Mayor Jr., nitong Biyernes, sinabi na paraan ito para makaiwas sa infectious disease na COVID-19.
Kabilang sa mga hindi pwede puntahan ng mga turista at bisita ay ang Sitio Baybay sa Hinag-oman, at ang Sitio Bagolayag sa Barangay Tubigon.
Ang tanging papasukin umano sa mga nabanggit na lugar ay mga permanent residente lamang ng mga nabanggit na sitio at barangay.
Ang nasabing kautusan ay alinsunod sa rekomendasyon ng Inter Agency Task Force for the Management Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) kung saan pinapayagan ang lokal na pamahalaan na magpatupad rin ng sariling community quarantine sa kanilang mga nasasakupan.