Nakauwi na nitong Biyernes sa kani-kanilang mga bayan sa probinsya ng Romblon ang ilang mga estudyante na na-stranded sa bayan ng Odiongan, Romblon dahil sa biglaang pagpapatupad ng enhanced community quarantine ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Luzon noong March 17.
Kasunod ito ng pagpayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na makauwi ang mga estudyanteng pansamantalang nanatili sa kanilang mga boarding house sa Odiongan kasunod ng panawagan ng mga alkalde ng iba’t ibang bayan ng Romblon.
Ang ilang mga estudyante na nakauwi na ay ang mga biyaheng Simara Island, at ilang patungong Calatrava, San Agustin, Santa Maria, Alcantara, Ferrol, at Looc.
Ayon sa pamunuan ng Romblon State University, may mahigit 200 na estudyante ang naabutan ng enhanced community quarantine sa bayan ng Odiongan dahil sa pag-aakalang magbabalik agad ang klase matapos ang isang linggong pagkansela rito ni Governor Jose Riano.
Ang ilang mga estudyante na patungong isla ng Carabao Island, Sibuyan at Romblon ay inaasahang makakaalis na rin sa mga suusnod na mga araw.