Striktong ipinatutupad na sa probinsya ng Romblon ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon matapos maglabas ng Executive Order si Governor Jose Riano para sa patnubay ng pagpapatupad nito sa probinsya.
Kabilang sa laman ng bagong Executive Order 55 ni Governor Riano ay ang pagpapatupad ng triktong ‘home quarantine’ kung saan pinagbabawalan na ang paglabas sa kanilang mga pamamahay ng isang tao kung wala naman importanteng gagawin maliban nalang kung bibili ng mga pagkain, supplies at mga gamot.
Hindi naman kabilang sa mga hindi papayagang lumabas ng kanilang mga pamamahay ang mga nagtatrabaho sa frontline services basta magpapakita lamang ng kanilng employment ID katulad ng mga opisyal ng gobyerno at barangay, mga miyembro ng kapulisan, bombero, sundalo, security guards; mga nasa medical fields, at mga nagtatrabaho sa utility companies.
Samantala, iniutos rin ng Gobernador na ipatigil ang biyahe ng lahat ng pampublikong sasakyan sa probinsya kabilang na ang mga pampasaherong bangka, tricycle, at mga habal-habal na madalas sinasakyan sa probinsya.
Iniutos rin nito na magsara ang lahat ng private establishments maliban sa mga may kinalaman sa pagkain at gamot katulad ng mga nasa palengke, grocery stores, convenience stores, hospital, medical clinics, rural health units, pharmacies, drug stores, water refilling stations, banks, money transfer, energy, water, at telecommunication.
Papayagan ring lumabas ng bahay ang lahat ng nagtatrabaho sa mga nabanggit basta magpapakita rin ng kanilang employment ID o di kaya ay employment certificate.
Samantala, inatasan rin ng gobernador ang lahat ng local government unit na gumawa ng programa, at proyekto ma tutulong sa mga apektadong mangagawa ng Romblon na apektado nitong bagong kautusan katulad ng pagbibigay agad ng pro-rated thirteenth month pay sa mga empleyado.
Maliban rito, idineklara na rin ni Governor Riano ang State of Calamity sa buong probinsya para magamit ang aabot sa mahigit 22-million na Quick Respond Fund ng probinsya sa paglaban sa Covid-19.