Dumating na sa lalawigan ng Romblon ang mga gamit na pinadala ng Department of Health – Center for Health Development Mimaropa para makatulong sa paghahanda ng probinsya sa posibiledad na pagpasok ng coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ayon sa online press conference ng DOH-Mimaropa nitong Huwebes, sinabi ni Dr. Emerose Moreno, COVID19 Incident Command System Commander, na nagpadala sila sa Romblon ng mga specimen collection kits, N95 masks, surgical masks, at mga personal protective equipment.
Mahalaga umano na merong standby na mga specimen collection kits sa probinsya para kung may patient under investigation o PUI na kailangang i-test ay agad na makunan ng specimen at maipadala sa Research Institute for Tropical Medicine.
Aniya, una palang umano ito ay may susunod pa silang ipapadalang mga gamit ngunit hindi pa ito madala sa Romblon dahil wala pang biyahe papasok ng probinsya.
Samantala, sa panayam ng Romblon News Network kay Ralph Falculan, tagapagsalita ng DOH-Romblon, sinabi nito na naipamahagi na sa lahat ng ospital at health center ang mga gamit.