Tinanggal na ng lokal na pamahalaan ng Calatrava ang ipinatutupad nilang window hour sa pagbili ng mga pagkain, gamot, at pagpunta sa mga remittance center kasunod ng ibinabang kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na tanggalin ito.
Ayon kay Dr. Renato Menrige ng Calatrava Covid-19 Task Force, ang mga nabanggit ay maari ng mag-patuloy sa kani-kanilang normal na operasyon maliban sa oras ng itinakdang curfew mula alas-8 ng gabi hanggang madaling araw.
Matatandaang sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año kahapon na mas nagkukumpol-kumpul ang mga tao sa palengke dahil sa pagliit ng oras na sila ay pwedeng lumabas.
“Iyong sa palengke, I am advising LGUs to lift the window hours for marketing/buying. Kasi kung may window hour, pagkukumpol-kumpulin mo lalo ang tao riyan,” ayon sa pahayag ni Secretary Año.
Samantala, nag paalala rin si Dr. Menrige na tanging ang mga may home quarantine pass lamang ang kanilang papayagang lumabas.
Hinihikayat rin ni Dr. Menrige ang lahat ng lalabas ng kanilang bahay na laging gawin ang ‘social distancing’ at magsuot ng face masks tuwing lalabas ng bahay.
Ugaliin ring gawin ang paghuhugas ng kamay, pagkakaroon ng sapat na tulog, uminom ng sapat at madaming tubig araw-araw, at kumain ng tama at masustansya.
Sa ngayon, nanatiling covid-19 free parin ang bayan ng Calatrava gayun rin ang buong lalawigan ng Romblon.