May panibagong ‘Person Under Investigation o PUI’ kaugnay ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang tinututukan ngayon ng Department of Health (DOH)-Mimaropa sa Palawan.
Sa kumpirmasyon ni DOH-Mimaropa Regional Director Dr. Mario S. Baquilod, ang nasabing PUI ay naka-confine ngayon sa isang pribadong ospital. Ito ay ang isang 45 taong gulang na babae at lokal na residente ng Puerto Princesa.
Sinabi rin ni Dr. Baquilod na ang nasabing pasyente ay nakunan na ng specimen na ipapadala sa Research Institute of Tropical Medicine (RITM) para sa gagawing laboratory test nito upang makumpirma kung ito nga ay positibo sa COVID 19.
Gayunpaman, tinitiyak ng DOH na nananatiling walang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ang Rehiyon ng Mimaropa.
Kaugnay naman ng naitalang lokal na kaso ng COVID-19 sa bansa, itinaas na ng DOH ang alert level sa Code Red (Sublevel 1).
Pinapayuhan naman ng DOH ang lahat na maging mahinahon at mapagmatiyag. Para sa may mga sintomas na may kasaysayan ng paglalakbay o exposure, kumonsulta agad sa pinakamalapit na health facility para sa pagsusuring medikal; sumunod ng mabuti sa home quarantine procedures; makipag-ugnayan sa gobyerno para sa contact tracing sakaling magkaroon ng kompirmadong kaso sa inyong lugar; isagawa ang preventive measures gaya ng paghuhugas ng kamay, tamang pamamaraan ng pag-ubo, pagiwas sa mga matataong lugar, pagpapanatili ng isang metrong distansya mula sa mga taong may sakit, atbp.; suportahan ang ating gobyerno sa layunin nitong pigilan ang community transmission: makinig at sumunod sa mga abiso ng DOH.
Sa kalasukuyan ang bansa ay nasa ilalim na ng State of Public Health Emergency sa pamamagitan ng Proclamation No. 922 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA)