Binabantayan ngayon ng mga miyembro ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa buong lalawigan ang halos 6,800 na person under investigation (PUI) at person under monitoring (PUM).
Batay sa datus ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit (PESU) ng probinsya ng Romblon na inilabas nitong ika-19 ng Marso, aabot na umano sa 74 ang itinuturing na PUI sa buong lalawigan at aabot naman sa 6,696 ang bilang ng kasalukuyang PUM.
Lima sa mga PUI ay kasalukuyang nasa mga ospital sa Sibuyan, San Agustin, at Odiongan, habang ang 69 naman ay kasalukuyang nanatili sa kanilang mga pamamahay.
Sa panayam ng Philippine Information Agency – Romblon sa tagapagsalita ng DOH sa lalawigan na si Ralph Falculan, sinabi nito na patuloy na tumaas ang bilang ng PUI at PUM sa lalawigan dahil patuloy ang pag-iikot ng mga miyembro ng BHERT sa lahat ng barangay sa Romblon para hanapin ang mga nagsiuwian mula Metro Manila at karatig probinsya matapos ianunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim sa community quarantine ang Metro Manila noong ika-12 ng Marso.
Ang pito sa mga PUI ay nakunan na ng kanilang mga samples at ang ilan sa mga samples na ito ay naipadala na sa Research Institute for Tropical Medicine para isailalim sa test.
Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng PUI sa probinsya ay nananatili itong COVID-19-free ganun rin ang iba pang probinsya sa rehiyon ng Mimaropa.