May aabot sa limang pamilya na dapat naka-home quarantine ang nawalan ng bahay matapos tupukin ng apoy ang kanilang tinitirhan sa Barangay Poblacion, Looc, Romblon nitong hapon ng March 31, huling araw ng fire prevention month.
Ayon sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection – Looc, nagsimula ang sunog sa isa sa mga bahay ng mga biktima at agad itong kumalat patungo sa mga katabing bahay dahil dikit-dikit umano ang mga ito at pawang gawa sa mga light materials.
Naging pahirapan ang pagpatay sa apoy dahil malakas ang hangin sa lugar dahil malapit ito sa dagat.
Inaalam pa ng mga otoridad ang posibleng pinagmulan ng apoy at kung magkano ang kabuoang pinsala nito.
Wala namang nasaktan sa naganap na sunog.
Ayon sa alkalde ng bayan na si Mayor Lisette Arboleda, pansamantala munang tumutuloy ang ilan sa nasunugan sa kanilang pamilya, ang ilan naman ay sa crisis center at sa relocation site ng bayan.