Arestado ang apat na Persons under Monitoring (PUM) sa bayan ng Alcantara, Romblon matapos maaktuhan ng mga tauhan ng Alcantara Municipal Police Station na nag-iinuman sa gilid ng dagat sa Barangay Calagonsao kagabi.
Kinilala ang mga naaresto na sina Johny Galindez, 66; Joel Galindez, 37; Felix Galindez; at Reynaldo Arocio, 40, pawang residente ng nabanggit na barangay.
Ayon sa pulisya, nagpapatrolya sila sa bayan nang mapansin ang apat na nasa labas at nag-iinuman sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.
Wala umanong hawak na kahit anong quarantine pass ang apat para lumabas ng kanilang bahay.
Itinuring silang PUM dahil ang apat ay nagmula sa Batangas City at dumating ng Romblon bago itigil ang biyahe ng mga pampasaherong barko.
Ikinulong ang apat at sasampahan ng kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code alinsunod rin sa Republic Act 11332 o mas kilalang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Paalala ng mga kapulisan sa Alcantara, wala silang sasantuhin sa pagpapatupad ng batas kaya pinapayuhan nila ang publiko na sumunod sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.