Walang kawala sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group-Romblon ang 13 na lalaki sa Libertad, Odiongan na di umano ay naaktuhang naglalaro ng tong-its sa isang hinihinalang pasugalan sa barangay.
Ang operasyon ay ikinasa ng CIDG-Romblon nitong ika-28 ng Pebrero kasama ang mga operatiba ng Romblon Provincial Mobile Force Company at Odiongan Municipal Police Station.
Nakumpiska sa mga naaresto ang pitong set ng baraha, apat na lamesa, labing-isang upuan, at aabot sa P927 na pamusta.
Ang isa sa mga naaresto, nakuhaan rin di umano ng isang itim na bag na may lamang baril, magazine, at mga bala.
Ang mga naaresto ay dinala sa Odiongan Municipal Police Station at sinampahan na ng kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602.
Muling paalala ni Police Captain Manuel Fernandez Jr., chief of police ng Odiongan MPS, itigil na umano ang pagsusugal na siyang isa sa mga dahilan ng mga nangyayaring krimen sa lipunan.
“Katuwang ang ‘support unit’ ng PNP, mas pinaiigting ang kampanya laban sa mga iligal na gawain lalong lalo na ang sugal,” ayon sa press release ng Odiongan Municipal Police Station.
Patuloy namang humihingi ng suporta sa kumunidad ang pulisya sa pamamagitan ng pagsumbong sa kanilang mga nalalaman sa iligal na gawain at iba pa.
Maaring magtext o tumawag sa numerong 09303683218, 09985985891, at 09272740023, o sumadya sa hiumpalan ng Odiongan Municipal Police Station.