Tila may nanggagatong ba gawing isyu ang diskriminasyon kuno sa mga Tsino dahil sa novel coronavirus. Bagaman hindi naman talaga dapat, hindi rin naman maitatanggi na may mga problemang gawa ng kanilang mga kababayan.
Mula sa problema sa droga, militarisasyon sa West Philippine Sea, at nCoV, aba’y sa mga Tsino itinuturo ang pagtaas ng kaso ng kidnaping at prostitusyon sa bansa dahil daw sa pagdami nila dito dahil sa POGO o offshore gaming industry.
Pero hindi na rin naman nagulat ang mga tsokaran natin tungkol sa balitang ito ng mga prostitution den na ang karaniwang mga kliyente ay mga POGO worker. Kung matatandaan nyo mga tsong, may naisulat na tayo minsan tungkol sa isang lugar sa ibang bansa na tumaas ang kaso ng kidnaping at prostitusyon na sangkot ang mga Tsino. Nangyari ito nang lumaganap ang mga casino at iba pang uri ng pasugalan na pinapatakbo rin ng mga Chinese.
Noong nakaraang taon, sunod-sunod mga tsong ang insidente ng kidnapping ng mga Tsino sa kapwa nila mga Tsino sa Pilipinas. Ang mga dinudukot, kung hindi mga Tsino na nabaon sa utang eh mga POGO workers na tumatakas. Kasunod nito, lumabas na rin ang isyu ng prostitusyon na ang mga nasasagip na babae eh karaniwang mga dayuhan tulad ng mga Chinese; at bihira pa ang mga Pinay.
Pero kamakailan lang, may ilang Pinay na rin na nasasagip sa mga prostitusyon den na off-limits ang mga Pinoy, at karaniwang mga Chinese ang kliyente o POGO workers. Nagiging high-tech na rin ang sistema ng mga nag-ooperate ng prosti den dahil gumagamit sila ng QR code para ma-access ang kanilang website o kaya eh para makapasok sa kanilang “katayan.”
Dahil na rin siguro sa nagiging mahigpit na ang pulisya sa mga club o KTV bar na ginagamit na front sa prostitusyon kung saan pinipili ng mga kliyente ang kursunada nilang babae, idinadaan na nila sa private chat group o website ang transaksyon. Lumitaw nga sa isang pagdinig ng Senado kung magkano ang presyo ng mga babae. Mas matagal at mas maraming serbisyo ng babae, mas mahal.
Kapag nakursunadahan ng kliyente ang babae at nagkasundo sa presyo, ipapadala na lang sa hotel o tinutuluyang condo nito ang babae. Pero papaano kung may sapak pala sa utak ang kliyente at patayin na lang ang babae at i-chop-chop? O kaya eh mahusay na maidispatya ang bangkay ng biktima. Papaano na?
Bukod doon, papaano kung may HIV ang babae o ang kliyente? Aba’y dagdag pa sila sa dumadaming HIV cases sa Pilipinas. Ika, marami na tayong iniisip ngayon dahil sa pagputok ng Taal volcano at pagkalat ng bagong corona virus, aba’y dadagdag pa ba sila?
At laki ng presyuhan sa mga babae sa mga prostitution den na umaabot ng P5,000 hanggang P50,000, nangangahulugan lang na malaki ang kinikita o sinasahod ng mga nagtatrabaho sa POGO. Aba’y dapat sigurong gumawa ng paraan ang gobyerno kung papaano sila mabubuwisan para mabawasan ang kanilang kita. Sa ganitong paraan, madadagdagan na ang buwis ng gobyerno, mailalayo pa ang mga POGO worker sa tukso ng “laman” kapag kakaunti na lang ang kanilang pera. Baka nga lang isiping ng iba na dini-discriminate na naman sila.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao!
(Twitter: follow@dspyrey)