Nanatiling novel coronavirus o COVID-19-free ang lalawigan ng Romblon, ito ay ayon sa pahayag ni Dra. Ederlina Aguirre ng Provincial Health Office nitong Martes ng umaga sa mga lokal na mamahayag.
“As far as the reports are concern, okay naman tayo, nanatili tayong novel coronavirus free dito sa ating probinsya,” pahayag ni Dra. Aguirre.
Sinabi rin ni Dra. Aguirre na matapos ang 14 days na pagbabantay sa apat na Chinese tourists na pansamantalang tumuloy sa San Andres Municipal Hospital noong nakaraang linggo, hindi umano sila nakitaan ng sintomas ng flu hanggang noong February 09.
“Noong February 09, okay naman daw sila, walang signs of symptoms at fever. Actually, gusto niya na nga lumipat ng hotel doon sa Manila at humihingi na ng medical certificate.” ayon kay Dra. Aguirre.
Hindi rin umano dapat mag-panic ang mga residente sa probinsya dahil patuloy ang ginagawang pagbabantay at paghihigpit ng provincial government sa mga pumapasok na turista sa Romblon.