May aabot sa 4,000,000 na pundo ang inilaan ng opisina ni Congressman Eleandro Madrona para sa mga scholars ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa lalawigan ng Romblon sa ilalim ng Special Training for Employment Program (STEP) ng ahensya.
Ito ang ibinahagi ni Engr. Amir Ampao, ang bagong provincial director ng TESDA sa lalawigan ng Romblon, sa ginanap na Kapihan sa PIA-Romblon nitong ika-26 ng Pebrero sa DTI Negosyo Center sa Odiongan.
Mas malaki ito sa inilaan na pundo ng kongresista noong nakaraang taon na umabot sa P3,500,000.
“Meron pong binigay ‘yung ating Congressman, si Congressman Madrona na 4 million para sa atin dito sa Romblon ngayong 2020. Ang pera na ito ay ilalagay namin sa lahat ng munisipyo, na kung posible ay makaka-avail ng programa [scholarship],” pahayag ni Engr. Ampao.
Ang STEP ay isang programa ng Tesda kung saan nakabase ang pagsasanay sa pangangailangan ng komunidad katulad ng trabaho sa pangnegosyo, self-employment at service-oriented activities. Sa nasabing programa, ang mga scholars ay libreng makakuha ng assesment training at makakatanggap rin ng P60 daily allowance, at starter toolkits para sa kanilang napiling kurso.
Ayon pa kay Engr. Ampao, kahit saang kumunidad sa lalawigan Romblon ay maaring makapag-avail ng scholarship sa ilalim ng STEP.
Ang tanging gagawin lang ng mga gustong mag-apply ay maghanap ng 15-25 na makakasama sa training at lumapit sa kanilang mga barangay chairman o di kaya sa local government para sa pormal na paghingi ng training sa TESDA.
“Ngayon ang ginagawa namin pag walang eskwelahan sa isang lugar, ‘yung eskwelahan ang lalapit, ito ay bahagi ng aming mobile traninig program. Kaya hindi masasabi sa kumunidad na hindi sila makapag-aral dahil hindi sila makapunta sa kabihasnan,” dagdag ni Ampao.
Noong 2019, aabot sa 285 na scholar ang nakapagtapos sa mga short courses ng Tesda, sa ilalim ng STEP.
Maliban sa STEP, ang Tesda ay may tatlo pang programa na pwedeng pasukan ng mga gustong makakuha ng scholarship, ito ay ang: Private Education Student Financial Assistance (PESFA), Training for Work Scholarship (TWSP), at Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).
Sa pangkahalatan noong 2019, may aabot sa 2038 na naging scholar ng ahensya sa lalawigan ang nakapagtapos ng kanilang mga short courses. May aabot rin sa P41.5 million estimated allocation ang naibigay sa TESDA-Romblon para sa gastusin ng mga nasabing mag-aaral ngunit 50% lamang rito ang nagamit ng ahensya.