Bumuo ng isang special committee ang provincial government ng Romblon para tutukan ang banta ng novel coronavirus o 2019-nCoV sa lalawigan, kasunod ito ng pag-isolate sa apat na turistang Chinese na dumating sa Romblon nitong January 31.
Alinsunod ang nasabing aksyon sa inilabas na executive order no. 050 ni Governor Riano na nag-uutos na buoin ang Novel Coronavirus Special Committee.
Pamumunuan ito ni Governor Jose Riano bilang chairman, habang vice chairman naman nito ang SP Committee on Health and Sanitation chairman, habang co-vice chairperson nito si Dra. Ederlina Aguirre ng Provincial Health Office.
Miyembro naman ng committee ang lahat ng Chief of Hospitals sa buong lalawigan, Provincial Social Welfare and Development Office, mga kinatawan ng DILG, DepEd, Provincial Treasurer, Romblon PPO, Provincial Budget Officer, DOH, PDRRMO, Provincial Planning & Development Officer, Provincial Agriculturist, Provincial Veterinarian, Provincial Nutrition Action Officers, Philippine Coast Guard, CAAP-Romblon, at ang Presidente ng Health Workers Assocation.
Layunin ng grupo na gumawa ng mga diskarte at plano kung paano maiiwasan, at makontrol ang 2019-nCoV, magpalaganap ng impormasyon kaugnay sa virus, at magmonitor sa pagpapatupad ng mga nabuong plano.
Samantala, nirerekomenda rin ng kautusan ni Governor Riano na magdagdag ng quarantine measures ang lalawigan.
Sinabi rin rito na dapat maiging inspeksyunin ang lahat ng foreign vessels na bibisita sa probinsya.
Dapat rin umanong magsulat ang lahat ng pasahero ng barko at eroplano na papunta ng Romblon sa passenger declaration at health declaration card.