Sa halip na mga bulaklak, kaunting groceries at bigas ang ipinamigay ni dating konsehal Virgiel Maulion sa 30 po mga residente ng Sitio Sigkop sa Barangay Progreso Este, Odiongan ngayong araw ng mga puso.
Nasa ika-pitong taon na ngayon ang panata ni Maulion na mamigay ng mga groceries at bigas sa mga kapuspalad na residente ng Odiongan.
Ayon kay Maulion, simula noong 2013 ay umabot na ng halos 3000 na senior citizens ang nabigyan niya ng kaparehong regalo sa buong bayan.
Aniya, pagpapakita o pagpapadama ito ng pagmamahal sa mga senior citizen na dapat ay hindi ipagkait sa kanila hangga’t sila’y nabubuhay pa.
“Kahit ako ay wala na sa konseho at wala ng nakukuhang sahod, hindi ko parin kayo nakakalimutan. Senior citizen na rin ako, kagaya niyo, para sa akin, masaya ako na nakikita kayong nakangiti,” pahayag ni Maulion.
Ikinatuwa naman ng mga residente ng Sitio Sigkop ang panata ni Maulion, ayon kay Noa Inocencio, malaking halaga para sa kanila ang natanggap nilang regalo dahil kahit papaano makakatulong ito sa kanila na nasa bukid.
“Ito po ay napakalaking halaga sa amin, kahit paano, may masasaing na ‘yung mga kasama namin at umaasa lang sa pagsasaka. Kahit maliit lang ito, para sa amin dito ay nakakataba na ng puso ang may tumutulong sa amin,” ayon kay Inocencio.