Dumating na ang natitirang apat sa lima na ambulansya na binili ng Provincial Government ng Romblon nitong nakaraang taon gamit ang bahagi ng P43-milyon pondo na ni-realign ng Provincial Development Council (PDC) noong Agosto 2019.
Ayon kay Governor Jose Riano, pinablessing nila ang mga bagong ambulansya nitong ika-9 ng Pebrero at ang dalawang bagong ayos na dental bus na ibinigay ng Department of Health (DOH) sa probinsya.
“Bagamat umuulan ay pinablessing po natin ang mga ambulansiya. Kasabay nito ang dalawang (2) dental bus na ipinalinis at pinacalibrate natin upang ito ay magamit at mapakinabangan. Ang dental buses ay binigay ng ating partner sa pagpapahusay ng health services walang iba kundi ang Department of Health (DOH) lalong lalo na sa DOH CHD MiMaRoPa,” ayon kay Governor Riano.
Ang mga nasabing ambulansya ay ibibigay sa iba’t ibang munisipyo sa Romblon para may magamit tuwing may emergency.
“Labis ko pong ikinagagalak na makitang natutupad na ang ating layunin na mapaghusay ang ating health services sa probinsiya,” dagdag ni Governor Riano.
Matatandaang Agosto 13 noong nakaraang taon nang aprubahan ng PDC ang paggamit ng P43,921,045.89 mula sa 2019 Annual Development Plan para gamiting pambili ng mga hospital equipment at pagpapagawa ng mga hospital infrastracture para sa accreditation ng mga ito sa Department of Health (DOH) at PhilHealth.
Plano rin ng Provincial Government na bumili ng dalawang sea ambulance para magamit ng mga island municipalities sa pagdala sa RPH ng mga pasyente.