Naging matagumpay ang isinagawang medical mission ng isang grupo ng mga doctor sa Romblon District Hospital sa bayan ng Romblon, Romblon kamakailan.
Aabot sa 1,836 na mga Romblomanon ang nakinabang sa nasabing medical mission ng Medical Mission of Mercy (MMOM) – USA na ginanap noong ika-10 hanggang 13 ng Pebrero. Ang nasabing grupo ay binubuo ng 75 na volunteers mula United States, Australia, at Pilipinas.
Batay sa datus ng grupo, may 70 na pasyenteng dumaan ng major surgeries katulad ng pagtanggal ng isang tissue sa breast, sa thyroid, at tumor sa leeg at ulo; at plastic surgery para sa may bingot.
May 189 naman ang sumalang sa minor surgeries katulad ng pagtanggal ng lumps, bumps, at cysts; tuli, at pagtahi ng sugat habang 692 naman na may problema sa ngipin ang natingnan ng mga dentista.
Samantala, may 477 naman na may problema sa mata ang natingnan ng mga Ophthalmologist at ang ilan sa kanila ay nabigyan ng salamin sa mata habang ang natitirang 408 na pasyente ay nabigyan ng libreng konsulta ng mga Doctor.
Naglatag rin ng Satellite Clinic ang MMOM-USA sa Barangay Bachawan at Tablas Island District Hospital sa bayan ng San Agustin; at sa Barangay Calabogo sa bayan naman ng Romblon, Romblon kung saan marami rin silang naserbisyuhan.
Sa facebook post ng MMOM-USA, nagpasalamat sila sa pamunuan ng Provincial Government ng Romblon, sa mga staff ng Romblon District Hospital, at sa iba pang kanilang nakasama sa apat na araw na medical mission.
“Ang isang makabuluhang buhay ay tungkol sa pagiging tunay, pagiging mapagpakumbaba, pagiging matatag, maibabahagi ang ating sarili at hawakan ang buhay ng iba,” ayon pa sa grupo.