Nagsagawa ng pagtitipun nitong ika-4 ng Pebrero ang mga mangingisda sa bayan ng Romblon, Romblon upang ipanawagan sa mga otoridad ang dagdag na paghihigpit nilang pagbabantay sa mga municipal waters ng Romblon mula sa mga iligal na mga mangingisda mula sa ibang probinsya.
Ayon kay Father Ric Magno, isa sa mga sumama sa pagtitipon, magmula sa ginanap na misa hanggang sa tumungo sila sa opisina ng Philippine National Police – Maritime Group, Philippine Coast Guard, Regional Trial Court Branch 81, at Romblon Freedom Park, tinatayang mahigit 500 ang sumama sa kanila.
Hinalimbawa ni Magno ang pagkahuli ng mga otoridad noong nakaraang taon sa isang grupo ng mga mangingisda na nagmula pa sa Quezon ngunit hanggang ngayon ay hindi parin napaparusahan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Magno nitong Miyerkules, sinabi nito na hindi na nila alam kung nasaan na ang mga ibedensya na gagamitin laban sa mga nahuling mangingisda dahil hanggang ngayon umano ay hindi sila sinasagot ng mga otoridad.
Paliwanag pa ni Magno, ang intensyon lang umano ng kanilang pagtitipon ay makakuha ng kasiguraduhan mula sa mga otoridad na hindi na mauulit ang pagkakaroon ng mga iligal na mangingisda sa municipal waters ng Romblon. “Pinaglalaban namin dito na maproteksyunan ang karapatan ng mga maliliit na mangingisda,” ayon kay Magno.
Samanatala, sinubukang kunan ng pahayag ng Romblon News Network ang PNP-Maritime Group ngunit hindi sila nagpaunlak ng pahayag.