Kasama ang mga kaklase sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center, tumungo si dating Department of Health Secretary Paulyn Ubial sa lalawigan ng Romblon nitong ika-10 ng Pebrero upang mangampanya kontra sa human immunodeficiency virus, acquired immunodeficiency syndrome, at sa teenage pregnancy.
Ang grupo ni Ubial na Aesculapius (UERM) 87 ay nag-ikot sa national high school ng mga bayan ng Odiongan, San Andres, Ferrol, Looc, at Alcantara upang makipagpulong sa mga estudyante para mabigyan sila ng kaalaman patungkol sa mga nabanggit na sakit at problema.
Nagsimula ang proyektong ito ng Aesculapius 87 noong nakaraang taon sa Rizal High School sa Pasig City, kung saan nagbigay sila ng lecture sa mga grade 8 students at sa mga guro ng nasabing paaralan.
Sa panayam ng lokal na mamahayag kay Ubial nitong Martes, sinabi nito na malaking bagay ang nabibigyan ng paalala ang mga kabataan patungkol sa primarital sex dahil kalimitan itong nagiging resulta ng teenage pregnancy o di kaya ay hiv o aids.
Batay sa datus ng Provincial Health Office (PHO), kada-taon ay nadagdagan ang kaso ng HIV sa probinsya, katunayan umano simula noong 1984 hanggang July 2019 ay mayroon ng 52 cases sa lalawigan ng Romblon, at inaasahang umakyat na ito sa 59 kung saan tatlo rito ang namatay.
Pagdating naman umano sa teenage pregnancy, base sa datus ng PHO, hindi bumababa sa 650 ang naitatalang kaso kada taon ng mga menor de edad na maagang nabubuntis.
Maliban sa mga estudyante, pinulong rin ng grupo ang mga guro ng mga binisita nilang paaralan upang mabigyan sila ng tamang kaalaman patungkol sa nabanggit na mga sakit.
Sinabi ni Ubial na mahalaga ang trabaho ng mga guro pagdating sa kampanyang ito dahil sila umano ang laging kasama at sila madalas na pinagtatanungan ng mga bata patungkol sa mga ganitong sensitibong issue.